ANU-ANO ANG MGA SAFE INVESTMENTS PARA SA MGA SEAMAN?

Posted on September 16, 2017
ANU-ANO ANG MGA SAFE INVESTMENTS PARA SA MGA SEAMAN?
Sityembre 7, 2017
Maraming investment opportunity ang pwede nating subukan mga SEAMAN pero alin nga ba ang bagay sa atin na aktibo pa sa pagbabarko? Sayang naman kasi kung mawawala na parang bula lang yung perang pinaghirapan natin barko kaya nais ko magbigay ng ideya kung alin ba talaga ang kikita ng mas malaki bukod sa SAFE ito.
Nung nagsisimula pa lang ako mag-invest ay maraming beses din akong napaisip kung SAFE ba talaga ang mga pinapasok ko na INVESTMENTS. Wala kasi nagguguide sa akin noon at wala rin akong nababasa tungkol dito na seaman din ang propesyon. Alam mo na naman na dugo’t pawis ang puhunan natin bago pa natin mahawakan ang libu-libong dolyar na nakakamit natin buwan-buwan.
Maswerte tayong mga PINOY SEAMAN dahil sa dami ng lahi ay tayo ang pinagkatiwalaan para ipamanage sa atin ang mga mahigit na USD20 Milyon presyo ng mga barko. Kaya’t ituloy lang natin na pagbutihin ang trabaho sa barko at imanage din ng maayos ang perang kinita natin lalo na yung pinapadala natin sa ating mga minamahal na pamilya sa Pilipinas.
Bago ko sabihin sayo ang mga SAFE INVESTMENTS ay nais ko muna ikwento kung bakit ako nag-IINVEST.
Taong 2009 ay naimbitahan ako umattend ng FINANCIAL LITERACY ng aking kaibigang seaman sa Manila. Nang maipakita niya sa akin ang litrato tungkol sa THE RAT RACE CYCLE ay doon ako napaisip na kahit gaano pala kalaki ang kinikita ko sa barko ay patuloy pa rin ako magbabarko at tatanda sa barko kung wala akong naiipon sa bawat uwi ko. Dati kasi ang una kong sweldo ay nasa USD400 per month lang tapos nung napromote ay naging USD1,500 na iyon. Pero bawat sampa ko ay napapansin ko na wala akong SAVINGS at minsan ay may UTANG pa. Kaya simula nun ay lagi na ako nag-iinvest para may magamit ako ng pondo kung sakaling magretiro na ako sa pagbabarko. Kasi mahirap talaga kalagayan ko kapag malakas ang alon sa dagat dahil nahihilo at sumusuka ako sa barko kahit matagal na ako nagtratrabaho dito.
Kaya naghanap talaga ang pwede kong simulan na INVESTMENT nung nakita ko ang litrato ng THE RAT RACE CYCLE. Nalaman ko kasi na kapag nilagay ko lang ang pera sa bangko ay kikita lang pala ito ng guaranteed na interest na 0.25% per year. At nalaman ko rin na ang INFLATION o pagtaas ng pangunahing bilihin sa Pilipinas ay umaabot ng 5% per year. Kung iisipin, yung nilagay ko na savings sa bangko ay nalugi pa ito dahil sa inflation. Kung gusto ko pala talaga kumita sa INVESTMENT ko ay dapat maghanap ako ng magbibigay ng interest ng mahigit na 5% per year.
Nagsimula ako sa iba’t ibang INVESTMENTS tulad ng PERSONAL ACCIDENT INSURANCE, HOSPITAL CARE, MEMORIAL SERVICE, MEMORIAL GARDEN, RESIDENTIAL LOT, VIDEOKE FOR RENT, VAN FOR RENT, HOUSE FOR RENT, DIRECT SELLING, BUSINESS, STOCK MARKET at MUTUAL FUND. Pero bago ako pumasok sa investments na nabanggit ay kailangan meron muna pala akong budget para sa SAVINGS ACCOUNT at EMERGENCY FUND.
Sa mga naging karanasan ko sa mundo ng INVESTMENTS ay nais ko magbigay na din ng RISK at REWARD para kung sakaling maumpisan mo rin ang mga ito ay malaman mo ang techniques para maging SAFE INVESTMENTS ito sa ating mga SEAMAN.
1) SAVINGS ACCOUNT. Ito ang pinakabasic na investment na meron dapat tayong mga seaman, ang SAVINGS ACCOUNT. Ang savings ko depende sa balak ko na bakasyon. Mas mahabang bakasyon ay mas malaki kailangan na savings sa bangko. Kaya sa bawa’t uwi ko ay nakabudget na ang 3+1 months ko pambakasyon kung 3 months ang balak ko, medyo matipid kami ni misis sa bahay kaya P30k lang budget namin sa gastusin monthly. RISK: Madaling maubos ang savings kapag mahilig mamasyal sa SM at nag-avail sa Travel Tours. Mabilis maubos din kapag nagpapainom lagi sa tropa at mahilig sa sabong. Mangungutang na kapag kinapos sa savings at napahaba ang bakasyon. REWARD: Kikita ng 0.25% yearly, kung may P100k ka ay may guaranteed interest na P250 lang yan sa 1 taon, sobrang liit pala. REMARKS: Kailangan magbudget bago pa lang umuwi at alamin kung magkano ang savings ang kailangan sa bakasyon at dagdagan ng 1 month para kung sakaling ma-extend ang sampa. Hindi pa kasama dito ang LOAN na binabayaran monthly amortization sa bahay at kung kumuha pa ng kotse.
2) EMERGENCY FUND. Importante din ang tinatawag na emergency fund na gagamitin sa hindi inaasahang pangyayari tulad ng aksidente, pagkakasakit, maintenance sa bahay at napahaba ng bakasyon. Ang katumbas ng emergency fund ay 3 months na basic na gastusin sa bahay. Kaya ang emergency fund ko ay naka-bankbook para safe ito at nakahiwalay sa savings account ko. May nakita rin akong bangko na nagbibigay ng free insurance pa na kasama, ang tawag dito sa account ay SAVINGS plus FREE INSURANCE. RISK: Madaling mawithdraw kapag naka-ATM kaya dapat talaga bankbook. REWARD: May free life insurance na equivalent ng 3 times ng savings ang makukuha ng beneficiary at 0.5% per year ang interest nito. REMARKS: Unti-unti kong inipon ang emergency fund ko habang nasa barko kaya nakaipon ako ng mahigit 3 months na basic expenses ko sa bahay. Ginagamit lang sa emergency cases. Hindi ito pambili ng bagong gadgets o appliances na nakita dahil may SALE sa SM.
3) PERSONAL ACCIDENT INSURANCE. Kahit na alam ko na may free life insurance ako galing sa POEA na nagkakahalaga ng USD50k (P2.5M) kapag naaksidente ako sa barko, kinakailangan ko pa rin protektahan ang aking sarili lalo na kapag nasa Pilipinas ako dahil hindi na ako cover nito. Personal Accident Insurance lang ang kinukuha ko sa halagang P2k ay Insured na ako ng P1M sa loob ng 1 taon. RISK: Hindi na ako cover ng insurance pagkatapos ng 1 taon at wala na yung P2k ko. REWARD: May P1M na makukuha ang pamilya kung sakaling naaksidenteng nawalan ng buhay ako sa Pilipinas. REMARKS: Kaya sa bawa’t uwi ko sa Pilipinas ay kumukuha talaga ako ng Personal Accident Insurance, mahirap na baka madisgrasya ako habang nagrereport papunta sa opisina.
4) HOSPITAL CARE. Mabuti na lang ay may incentive ako na hospital care pati ang pamilya ko dahil nagtuturo ako sa Maritime Traning Center kapag bakasyon dahil umattend ako ng 10-day Training Course for Instructors (IMO Model Course 6.09) sa halagang P8k na puhunan. RISK: Hindi na ako cover ng health care pagkatapos ng 1 taon at kaya need ko magrenew ulit ng P20k per year. REWARD: May libreng P200k per illness sa pamilya ko kung sakaling maconfine sa hospital. REMARKS: Importante rin ang may hospital care para hindi magalaw ang savings account at emergency fund kung sakaling malaki ang gastusin sa hospital. Swerte ng mga SEAMAN na miyembro ng AMOSUP dahil FREE ang Hospital Care nila dahil may sariling hospital ang mga AMOSUP vessels. Kung wala pa budget dito ay pwedeng huwag na muna kumuha nito lalo na kung bata ka pa naman at healthy pa. Alagaan ng mabuti ang sarili habang bata pa kaya kumain ng masustansiyang gulay at prutas, samahan pa ng ehersisyo para healthy. Umiwas na lang din sa alak, sigarilyo, junk foods at cola drinks para hindi mahospital.
5) MEMORIAL SERVICE. Alam ko naman na sa Langit tayo lahat pupunta kaya naghahanda na rin ako ng memorial service ko. Para hindi na madagdagan ang gastos ng pamilya kung sakaling kunin na ng Diyos ang hiram na buhay ko kaya meron na rin ako nito sa halagang P50k at pwedeng 5 years to pay. RISK: Magpepenalty ako kapag hindi ako nakapagbayad yearly. REWARD: Fully paid agad yung payment ko kung sakaling kunin ng Diyos agad ang buhay ko at may cash na P50k pa ibibigay sa pamilya ko at libre na rin kabaong, pailaw, bulaklak at serbisyo hanggang sa huling hantungan. REMARKS: Magandang investment ito para wala na iisipin pamilya natin kung sakaling may hindi magandang mangyari sa atin.
6) MEMORIAL GARDEN. Alam ko na rin kung saan ang huling hantungan ko kasi nagready na rin ako para dito sa halagang P50k din, 1X2.5 meter ang sukat nun. RISK: Magpenalty kapag kinuha ng hulugan kaya binayaran ko na ng cash para wala na problema. REWARD: Totoo na tumaas na value ng memorial garden ko dito at 2 magkapatong pala ang pwedeng ihimlay dito. REMARKS: Ok din itong investment para wala ng ibang gastusin ang pamilya na maiiwan natin kung sakaling kunin na tayo ng Diyos.
7) RESIDENTIAL LOT. May kinuha ako na residential lot malapit sa aming lugar sa halagang 300k. RISK: Nagpatransfer ng titulo kaya gumastos ng 30k.Nagbabayad ng Amilyar 1k yearly. Nagpapatabas ng damo buwan-buwan. Bumaba ang value ng lupa dahil binabaha pala ang lugar namin. REWARD: Wala. REMARKS: Ito ay kailangang iwasan na investment lalo na kung may sarili nang bahay dahil pinaka-RISKY ito. Dapat pala AGRICULTURAL LAND ang kinuha ko para may income na dumarating galing sa harvest na pananim na palay, gulay o prutas kung mahilig ka sa bukirin.
8) VIDEOKE FOR RENT. Bumili ako ng videoke machine kasama na ang TV, Videoke Player, Microphone at Case nito sa Quaipo na may puhunan ng P25k. RISK: Hinahatid ko ang videoke machine kaya kailangan tulungan ako ni misis magbuhat kasi mabigat. Madalas na nasisira ang microphone at cable kaya additional na maintenance. Magupdate ng songs kaya gastos ulit. REWARD: Minsan may P500 per day ang renta kung may okasyon. REMARKS: Binenta ko na lang sa mababang presyo keysa masira lang kapag sumampa na ulit ako sa barko. Dapat pala ay naghanap ako ng kapartner na establishment para ay hindi ko kailangan maghatid nito.
9) VAN FOR RENT. Nagloan ako sa bangko ng brand new van na nagkakahalaga ng P1.2M para gamitin sa van for rent at school service. RISK: Nagbabayad ng monthly amortization ng 28k for 3 years. Nagbabayad sa driver ng P8k monthly. Gumagastos sa gasolina ng P12k monthly. Nagpapamaintenance ng van ng P8k every 6 months. Nagbabayad ng comprehensive insurance ng P30k yearly. Nagpaparehistro sa LTO ng 5k yearly. Nagpapaayos ng van kapag nagasgas ng P2.5k per panel. Magpapalit ng gulong at battery kapag kailangan na. REWARD: May net income na P10k monthly. REMARKS: Matagal bumalik ang investment kaya binenta ko na lang ng palugi keysa dumami pa gastusin at gasgas. Dapat pala ay 2nd hand na van na lang binili ko at maghanap ng driver na pagkakatiwalaan at marunong magrepair ng saksakyan para makaiwas sa aksidente at gastos sa maintenance.
10) HOUSE FOR RENT. Naghanap ako ng bahay na pwedeng gamitin na house for rent sa halagang P700k. RISK: Niloan ko sa PAGIBIG ng 25 years to pay na may monthly amortization na P5k monthly. Nagbabayad ng interest sa loan ng 8% per year kaya tumataas ang puhunan ko. May penalty kapag hindi nakapagbayad sa due date. Nagbabayad ng 1k para sa Amilyar yearly. Nagpapamaintenance ng bahay kapag may sira kaya gastos ulit. Minsan ay hindi nakakabayad ang nagrerenta. REWARD: May income na P3.5k monthly. Fully paid agad ang loan kapag namatay ang nagloan sa PAGIBIG. REMARKS: Maganda sana kung ang bayad sa renta ay P5k monthly para hindi na ako abonado sa pagbabayad sa PAGIBIG. Kaya sa mga seaman na wala pa ring sariling bahay hanggang ngayon, bakit ka magrerenta kung pwede ka naman pala kumuha ng RENT TO OWN HOUSE sa PAGIBIG. Mas maganda kung APARTMENT style ng house for rent para mas malaki ang passive income nito. Na kahit bakasyon sa Pilipinas ay kumikita pa rin dahil sa apartment. Natutuwa ako sa Engine Cadet na nakasama ko sa barko ngayon, namuhunan lang siya ng 180k sa pagpapatayo ng simpleng boarding house na pwedeng kumita ng 16k monthly, sa loob ng 1 taon ay balik agad puhunan niya.
11) DIRECT SELLING. Sumali ako sa direct selling company na may puhunan na P25k at may kasama mga Healthy at Beauty Products na. Kaya nagrent ako ng isang maliit na pwesto ng tindahan sa aming lugar malapit sa palengke. RISK: Nagbabayad ako ng renta ng P3.5k monthly. Minsan ay walang bumibili ng produkto. Napupunta ang oras sa pagtitinda imbis na spend ko na lang sa pamilya ang oras ko sa bakasyon. REWARD: May benta minsan. REMARKS: Sinarado ko na pagkatapos ng 3 buwan na pagbabantay at na-expired ang ibang products. Dapat pala ay online na lang ang direct selling para sa bahay na lang gawin ito.
12) BUSINESS. Matatawag na BUSINESS ang ginagawa ko kung may unique na produkto ako naimbento pero kung ang produkto ay galing sa ibang kumpanya ay DIRECT SELLING ang tawag dyan. Nagsimula ako sa PUBLISHING business na kung saan ay may mga sinulat ako na mga libro na tumutulong para maayos na mamanage ng mabuti ang pera ng mga seaman at namuhunan ako dito ng P30k lang. RISK: Pwedeng malugi kung hindi mabenta at hiningi lang ang libro dahil gumastos sa printing ng 23k. Nagbayad sa editor ng 5k. Nagparehistro sa DTI ng business name at nagbayad ng barangay permit na P2k. Nagpuyat sa pagreresearch at pagsusulat ng libro. REWARD: Pwedeng kumita ng mahigit sa 10% per book. REMARKS: Ang pagtatayo ng sariling business ay may kaakibat na malaking risk dahil kukuha ng maraming oras at pagod dahil maraming kailangan gawin tulad ng Marketing, Selling at Money Management para magtagumpay. Pero kapag napagtagumpayan naman ay malaking reward din ang kapalit nito. Ngunit kung aktibo tayo sa pagbabarko ay hindi ito maasikaso ng maayos kaya madalas ay nalulugi ang seaman sa negosyo lalo na kapag sumampa na ulit ng barko. Saka na lang magsimula ng BUSINESS kapag kumita na ng malaki sa investment tulad ng MUTUAL FUND. Yung interest sa investment ay pwede mo ng laruin sa negosyo. May investment na, may negosyo pa!
13) STOCK MARKET. Gusto ko kasi kumita kahit nasa barko o bahay lang kaya naghanap ako ng pwede kong gawin kaya pumasok din ako sa direct stock trading. Nagsimula naman ako dito ng P25k para may pang-trade ako sa mga Blue Chip Stocks. RISK: Pwedeng malugi kung hindi pa alam gamitin ang Fundamental at Technical Analysis techniques at may trading fee na 1.1%. REWARD: Pwedeng kumita ng mahigit sa 10% per trade kung tututok sa merkado ng stock trading. REMARKS: Pwede kahit 1 time investment. Kung may internet tayo sa barko at oras pa mag-aral ng mabuti sa stock trading at tumutok online sa 272 stocks ay pwede nating simulan ang stock market. Ang ginagamit na strategy dito ay buy low and sell high in short term. Pero kung walang oras naman ay Mutual Fund na lang muna tayo mag-invest sa stock market.
14) MUTUAL FUND. Dahil naghahanap ako ng safe na investment na kikita ng mahigit sa 5% per year kaya dito ko nalaman ang tungkol sa Mutual Fund. Nagsimula ako dito ng P50k noong 2009 pa at nagdagdag sa bawat uwi ko anytime. RISK: Pwedeng malugi kung iwithdraw ko ng less than 1 year dahil may management fee dito ng 0.5% to 3% depende sa investment. REWARD: Kumikita kahit nasa barko ako ng mahigit sa 10% per year kung naka-invest ng more than 5 years. REMARKS: Pwede kahit 1 time investment. Hindi ko kailangan tutukan ito dahil may FUND MANAGER ako na eksperto sa direct stock trading. Walang binabayaran na pwesto monthly. Walang binabayaran na amilyar yearly at maintenance na kailangan gawin. Walang produkto na ma-expired. Walang mapipinsala na pananim kapag nagkaroon ng bagyo. Walang driver na babantayan at insurance na babayaran. Walang gasolina o gasgas na gastusan. Ito na ang nakita ko na pinaka-SAFE na investments sa lahat at malaki pa ang kita kahit nasa barko ako. Ang ginagamit na strategy naman dito ay buy-and-hold in long term para kumita ng mas malaki.
Hindi ko naman agad nasimulan lahat ng INVESTMENTS na iyan ng sabay-sabay. Nagsimula muna ako sa pagmanage ng maayos sa sweldo ko. Nagtipid din ako sa barko at gastusin sa bahay para mas malaki ang pang-invest namin ni misis. Marami rin akong nabasa na libro lalo na yung RICH DAD POOR DAD ni Robert Kiyosaki at 8 SECRETS OF TRULY RICH ni Bro. Bo Sanchez bago ko nalaman kaya nagkaroon ako ng ideya sa mundo ng investments. Nanonood din ako sa barko ng PESOS AND SENSE ni Aya Laraya kaya nadagdagan pa ang karunungan ko sa mga legal na investments na meron sa Pilipinas.
Ngayong alam mo na may kasamang RISK at REWARD ang pag-invest kaya kailangan malaman mo na ito habang maaga pa para maging SAFE ang mga INVESTMENTS na gagawin mo. Ang investment na gagawin ay kailangan nakamatch sa goal natin at kailangan protektahan ito kaya may tinatawag na BASIC, SHORT, MEDIUM at LONG TERM INVESTMENTS. Kapag pala sinabing short-term ay less than 1 year. Medium-term naman ay 1 to 5 years. Long-term naman ay more than 5 years.
Ang tawag sa procedures na ito ay SAFE INVESTMENTS FOR SEAFARERS:
1) Simulan muna sa BASIC INVESTMENTS: SAVINGS ACCOUNT at EMERGENCY FUND.
2) Saka kumuha ng SHORT-TERM INVESTMENT: PERSONAL ACCIDENT INSURANCE.
3) Sunod naman ang MEDIUM-TERM INVESTMENTS: MEMORIAL SERVICE at MEMORIAL GARDEN.
4) At finally ang LONG-TERM INVESTMENTS: AGRICULTURAL LAND, APARTMENT at MUTUAL FUND.
5) Kapag tuloy-tuloy na may PASSIVE INCOME MONTHLY na mahigit sa BASIC MONTHLY EXPENSES galing sa mga long-term investments ay saka magtayo ng BUSINESS at pwede na rin magretiro ng maaga sa pagbabarko kung gusto mo na ma-enjoy kasama lagi ang pamilya mo araw-araw.
Nawa’y nakapagbigay ako sayo ng importanteng impormasyon para makahanap ka rin ng mga SAFE INVESTMENTS na puwedeng kumita ng mahigit sa 5% per year.
Maraming salamat sa iyong pagbabasa at nawa’y ma-INVEST mo ng maayos ang iyong perang pinagpaguran sa barko tungo sa magandang FUTURE ng iyong pamilya at sa maaga mong pagreretiro.
Para malaman ko kung talagang naintindihan mo ng mabuti ang Article na ito ay nais ko magtanong ng 2:
1) Ano ang pinaka-SAFE na investment sa ating mga SEAMAN?
2) Ano ang pinaka-RISKY na investment kasi walang REWARD?
Kapag napili ko ang magandang COMMENT mo at na-LIKE at SHARE mo itong Article ko ay may FREE eBOOK ka na “8 WISE INVESTMENTS FOR SEAFARERS” ka na matatangap.
Ang inyong lingkod sa SAFE INVESTMENTS,
ENGR. ARJAY “RICH” MAGPANTAY, ECE, CIS
Seafarer Investment Expert
Philippine Copyright 2017 by www.facebook.com/engrrich